Monday, June 3, 2013

Disney's Twilight

ThrowbackThursday... This time, an article...


Sige, sabihin na nating apat na taon na, ilang araw na lang naman. Apat na taon. Wow. Ang tagal na pala. Hindi ko aakalain na tatagal nang ganito ang pagmamahal ko sa kanya. Nag-umpisa lang naman kasi sa biruan. Tanong siya nang tanong kung para kanino yung sinusulat kong kanta. Noong una, tinatago ko lang sa pangalang “someone special”, uso kasi yun eh. Hanggang minsan, sa kulit niya, niloko ko na lang siya na para sa kanya yun. Hindi ko alam na sarili ko lang pala ang pinaniwala kong niloko ko siya.

Hindi siya yung tipong exceptional ang ganda, yung tipong lahat magkakandarapa. Noong una nga hindi ko siya napansin hanggang sa ipakilala siya sakin. Ewan ko, nakakainis kasi. Alam mo yung feeling na unang beses mo pa lang siyang makita, tapos gusto mo na ulit siyang makita. Nakakainis yun. May babago sa pananaw mo, sa habits mo, sa buhay mo kahit kakakilala mo pa lang sa kanya. Simple nga lang siya, pero iba na nung nagkaharap kami. Iba yung feeling ng unang titigan, unang ngitian. Ibang-iba. Ewan ko, marami na rin kasi akong tinitigan at nginitian, pero unang beses lang na sa mata pa lang, mayroon na akong nararamdamang iba.

Medyo pahirapan pa na mag-initiate ng usapan. Siyempre, gusto ko na siyang maging ka-close. Pag nagtagal ako sa pasulyap-sulyap stage, stalker na ang labas ko nun. Ang dami kong topics na ni-rehearse. Nag-research na ko ng K-pop kahit ayoko ng musika ng mga singkit kasi gusto niya noon. Ni-rush kong basahin ang Twilight series kasi paborito niya yun (at iba pang libro). Marami pa kong inisip na topics: acads, cartoons, Disney characters (kahit si Mickey Mouse lang kilala ko), movies ni Jackie Chan (na salamat at hindi pala kailangan ng subtitles), TV shows, TV personalities, pati TV; lahat ng pwedeng pag-usapan, lahat ng bagay na interesante siya. Nakakainis talaga. Binabago niya buhay ko. Mas pinili ko pang basahin si Stephanie Meyer at mainggit sa mga bampirang nagkakainlaban kaysa makipagbonding kay Leithold at sa mga mukhang uod na integrals. Ngayon ko lang nga naisip, bakit kaya hindi ako tumakas noong una palang kung alam kong ang laki ng magiging epekto sakin nito? Pati unang bati kailangang planuhin, siyempre “first impression lasts”. Saka kung hindi engaging ang first line ko, masisira lahat ng ni-rehearse ko. Simpleng “Hi” lang ba o “Hi! Nagkakilala na tayo, remember? Busy ka ba? Gusto ko lang kasing pagtawanan yung kalandian ni Bella sa paghalik niya kay Jacob” Pero mas matindi pa sa stage fright ang kalaban mo kapag nakita mo na siya. Nang makita ko siyang nakangiti, blangko lahat. Wala na lahat ang mga prinsesa sa fairy tales, nakalimutan ko na kung ilang sequels mayroon ang Rush Hour at kung ilan talaga ang Super Junior. Wala. Kung hindi pa siya nag-“hi”, hindi pa ako magkakalakas ng loob bumati. Ayun, buti na lang open siya at nagsimula na siyang magkuwento. Nagagamit ko paminsan-minsan ang ni-review ko (walang tinginan sa notes yan ha) pero madalas, napapatingin lang ako at napapatawa. Buti may baon akong konting humor. Swak. Minsan, ang babaw na lang ng pinag-uusapan namin pero ang sarap pa rin ng pakiramdam na kausap siya. Ang bilis ng oras. Heto na naman, kakausap niyo lang, gusto mo na naman siyang maka-usap. Whew! Nakakainis, binabago na talaga nito ang sistema ko. Yung nakasanayan kong maagang pag-uwi o mag-isang pagkain ng lunch, na-misplace ko na yata…for good.

Parang umaayon naman sakin ang tadhana. Naging close kami. Ok sige, super close. Masasabi kong may parte ng buhay ko na binago ng pagdating niya, pati ang damdamin ko. Hay, akala ko di ko na mararamdaman ito. Ilang taon na rin naman akong nabubuhay ng wala niyan. Yun talaga yung nakakainis, kabago-bago niyang darating, babaguhin niya ang buhay ko na nakasanayan ko mula ipinanganak. At ang mas nakakainis, gusto ko yung pagbabago. Official na: in-love ako. Kung love at first sight ito o kung sa second man, ewan ko. Sa dalas ng moments namin, nahulog na ko sa di dapat kahulugan.

Tulad ng first line, pahirapan umamin sa nararamdaman. Pero hindi katulad ng first conversation, hindi ko maeexpect na sagipin niya ako sa usapang ito. Hindi ko siyempre maririnig sa kanya na “May sasabihin ka? Mahal mo ko no?” Sa akin lang nakasalalay at sa tapang ng loob ko kung malalaman ba niya ang nararamdaman ko para sa kanya. Siyempre, mahirap umamin. Paano kung hindi ka pala niya gusto o kung may gusto siyang iba? Kaya diyan pumapasok ang taktika ng pagiging close. Isang beses tinanong ko siya kung ano bang ideal guy niya. Mapasa ko lang 90% ng standards nito, tataas ang tsansa ko, lalakas ang loob kong sabihin. Pero nabuking yata ako nang i-challenge ko yung isa sa mga qualifications niya. Pano ba naman? Ok na eh, halos lahat ng sinasabi niya, mayroon ako. Height, sense of humor, intellect at mga vague traits na loyal, mabait at trustworthy. Tapos sabi niya, dapat mestiso at mas matanda ang edad sa kanya. Naman! Hayun, debate ang resulta. Hindi naman ako ganon kaitim, pero hindi ako mestiso. At mas matanda siya sa akin ng ilang buwan. “Bakit kailangan mas matanda? Kapag ba mas matanda, matured na? Hindi naman nasusukat ang maturity sa edad ha. Saka bakit kailangan sa kulay nakabase ang pagtingin. Kulay lang naman yun eh. Wala namang kinalaman yun sa kapasidad ng tao eh.” Ayun yata ang kabayaran ng gustong maka-perfect. Nasasagot ng “Ideal nga eh! Ideal lang. Bakit ang defensive mo? Haha”

Hindi pa doon natapos ang “fishing” ko. Ewan ko sa nasa mid-20s, pero sa mga teenagers, uso si “friend”. May problema ang “friend” ko. Pwede mo bang tulungan ang “friend” ko. Naaawa ako sa situation ng “friend” ko. Ako nahihirapan para sa “friend” ko. At dahil mabenta at feeling ko magagamit ko siya, pinakilala ko sa kanya ang “friend” ko. The usual pa rin. Nahihirapan na ang “friend” ko. May gusto kasi ang “friend” ko sa “friend” niya. Hindi alam ng “friend” ko kung aaminin ba niya kasi baka magkagalit siya ng “friend” niya. This way, malalaman ko reaksiyon niya kung sakaling aminin ko na. Pero kinabahan ako sa sagot niya. Kahit hindi pa raw aminin ng “friend” ko sa “friend” niya, mararamdaman yun ng “friend” niya, pero walang masama kung aminin ng “friend” ko. Yes! Wala na yata akong ibang sagot na hihilingin pa. Bukod siyempre sa “oo” na matagal pa bago niya pwede isagot.


Kinalaunan, inamin ko din. Pagkatapos na ito ng dedication ng kanta ko sa kanya. Alam na daw niya. Sa mga pahaging ko na “Ang ganda mo ngayon” o “Buti na lang nandito ka” o sa mga simpleng sulyap, ngiti, akbay, hawak ng kamay, nahulaan niyang ang “friend” ko at ako ay iisa. Tuluyan nang nagbago ang lahat. Hindi na ako naiinis. Naninibago, oo. Iba na talaga ang lahat. Natuto na akong makuntento sa pagtingin lang sa kanya. Alam ko na rin ang pakiramdam ng saya na hindi mababaw tulad ng nararamdaman natin kapag may nagpapatawang kaibigan. Ito yung saya at kilig na hindi kailangan ng halakhak o talon. Kakuntentuhan na may ilang tulo ng luha ng kaligayahan sa tuwing kasama siya – yan ang pagbabago sa emosyon ko.

Lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa. Tuloy ang araw-araw na palitan ng text, sabay na kain ng lunch o dinner, o simpleng kuwentuhan – all these brought us closer, brought me deeper in love. Gagamitin ko na ang mabentang phrase na sinasabi sa DZMM tuwing gabi – “Mahal na mahal ko na siya, Dr. Love” Kung dati, wala akong paki kahit kanino. Ngayon, hindi ako mapakali kapag hindi pa siya nagtetext kung nakauwi na siyang ligtas, o kung kumain na ba siya. Iba ang feeling kapag nakikita ko siyang malungkot. Ibang pagkatao ko na ang nabuo. In a span of few months, I’ve changed a lot. And it’s mostly because of her. Ang kapal ng mukha, darating sa buhay ko para baguhin ang buhay ko nakasanayan ko sa mahabang panahon.


Minahal ko siya. Ginawa ko ang lahat ng kaya ko para mapanatili siyang masaya dahil doon lang din ako sumasaya. Ipinakita at ipinaramdam ko sa kanya na dahil sa pagbabagong ginawa niya sa akin, kailangan niyang magdusa sa pagmamahal at atensiyong ibinibigay ko. Kulang na lang, buhay ko ang ialay ko para sa kanya. Or so I thought.

Nagkaproblema siya sa puso. Kailangan niya ng madaliang heart transplant. Mahaba pa ang pila para sa mga patay na pwedeng pagkuhaan ng puso. Hindi rin naman pwede ang puso sa lugawan for obvious and corny reasons. Diagnosed na naman ako noon ng colon cancer so sabi ko, “I’ve lived up my life already”. Ang cancer siguro ang daan para sabihin sa akin na natagpuan ko na ang hinahanap ko. Nakita ko na naman ang purpose ko sa mundo, at itong desisyon na ito ay parte ng purpose na iyon. Naranasan ko na namang maging masaya nang mahalin ko siya at sa tingin ko, sapat na iyon na dahilan upang masabing tapos na. Sapat ng dahilan ang mahal ko siya upang dugtungan ang buhay niya sa pamamagitan ng sa akin.

Di ba? Apat na taon na. Apat na taon na simula ng baguhin niya ang buhay ko. Hindi na ako naiinis. Tatlong taon nang tumitibok ang puso ko para sa kanya. Mas maganda siguro ang ending kung kinagat na lang ako ni Bella at naging immortal na rin ako. Hindi ko na nahintay ang “oo” niya. Sana din, nang nagising siya, hindi siya nagalit sa “paglayo” ko. At marami pang sana. Hindi ko alam kung ilan pang apat na taon o ilan pang habambuhay tatagal ang nararamdaman ko para sa kanya. Dati, wala sa bokubularyo ko ang “forevermore”. Ganoon lang talaga siguro kapag nagmamahal ka, magbabago ang lahat sa buhay mo nang hindi mo inaasahan.

1 comment:

  1. Grabe ngayon ko lang nalaman na ganun ka ka sweet sa taong mahal mo, Go for it! It's about time para maging masaya ka at masabing ang sarap pala ng feeling ng mag mahal at mahalin...

    PS
    ---Muntik na akong umiyak, baket di ka nag writer?

    ReplyDelete