Yun na yun? I mean, after all those
hype and excitement upon entering UP, ganun na lang yun matatapos? OK, sige
alam ko nang wala sa farm ang cash cows at decision trees. Natutunan ko rin na ang consumer insight is
an ‘insightful pain’ statement worded by the group of marketing students put in
the target market’s mouth. Hindi lahat ng nasa journal ay accounting
transactions, yung iba for formality lang. Hindi na rin ako naghahanap ng seven
sigma. Pwedeng makagawa ng case analysis or feasib ng overnight pero kung
matino kang estudyante, di mo gagawin. At depende sa gusto mong indifference
curve ang optimal solution. At pwedeng maraming optimal solutions. At pwede
ring wala. At pwede ring mag-imbento pag wala. At marami pang pwedeng bagay
akong natutunan. Pero ganun na yun? Matatapos ang UP life ko nang ganoon lang?
Octoberian ako, okay? 6th
year ko na! I believe that quality education takes time, so I’m taking my time.
:D First year ko pa lang naman, alam ko nang madedelay ako. Ikaw ba naman ang
magkaroon ng mga profs sa first sem na parang may sinumpaang tungkulin na
magbagsak ng estudyante. Pagpasok ko noon sa first class ko, di ko kaagad
napansin yung prof – parang kaedad lang namin. Ang sweet ngumiti. Akala ko ok
na. Tapos bumanat ng, “Alin sa nakaraan ang uulitin mo?” Daig pa namin ang
prayer vigil nang maglabas siya ng class list at inisa-isa kami. Bawat
recitation, kalevel ng police interrogation with brutality at aabot ka sa Korte
Suprema kakaexplain. “Kung di ninyo kayang panindigan ang sagot niyo, kung di
niyo kayang ibigay ang gusto ko, di kayo bagay dito,” while doing a dramatic
exit. Kaya next meeting, binigay ko ang gusto niya – dropping form. Dagdag mo
pa diyan yung isa ko pang prof na may linyang: “Mabuhay! Welcome to
*bleep**bleep* class. I’m Ms. *bleep**bleep* (although gusto ko na talagang
banggitin sa inis) and I will be teaching you for this sem. To pass my class,
all you have to do is – mabuhay!” Binigay ko rin ang gusto niya – dropping
form. Samahan mo pa ng prof ko sa Philo na parang may sapak sa ulo. Every
meeting, kuktsain niya kaming magdrop, tatakutin kami sa hirap ng subject, sa baba ng grade.
At matatawa kapag next meeting, pakonti kami ng pakonti. Parang batang
nagco-countdown para sa Pasko. “O diba, mas madali magturo pag konti.”
Isa pa sa factor ng pagkadelay ko ay
ang pagkahilig ko sa PE. I’m proud to say na may 7 PEs ako! Yes 7! Pito! Dala
na rin to ng impluwensiya ng tatay ko. Nung naglilista ako ng subjects nung
first year ko, kailangan daw ng PE. Tinanong ko siya sa pag-aakalang mas
maga-guide niya ako sa aking pag-aaral. Sundin ko raw yung curriculum: kung PE1
e di yun ang una. Tapos PE2 naman tapusin. And so on. Tuwang-tuwa ako sa tatay
ko; feeling ko napakaintelektwal ng sagot niya. Kaya nagtataka ako na may mga
batchmates akong nagbabasketball, badminton or walking for fitness. Samantalang
ako nagsusukat ng timbang, tangkad at taba. Nung next sem na, namroblema ulit
ako, sobrang dami naman ng PE2! May sinasabi ang tatay ko tungkol sa
alphabetical order at multi-PE per sem para maubos ko raw lahat pero di ko na
masyadong naintindihan. Na-amaze ako sa PE na Bird Watching! Sabihin mo! Saang
eskwelahan sa Pilipinas ang may PE na Bird Watching? Sino kaya ang unang MVP ng
Bird Watching? May foul din ba dun or penalty? At sino ang nagtuturo ng Bird
Watching? Promise! Kung may kaisa-isang moment sa UP life ko na hindi ko
ipagpapalit, iyon ang mga panahong pinapanood ko ang limang maya na natutulog
nang mahimbing.
Hindi lang yan! Marami pang dahilan. Sama
mo ang CRS na kung susundin ko ang prescribed curriculum, naka-apat na presidente
at dalawampu’t apat na bolahang SONA na ang nadaanan ko bago ako masabitan ng
sablay – suggestion ni CRS: 3 units per sem. Or isama mo pa ang isa pang
papansing acronym na ESF. Minsan na nga lang kami magkakasundo ni CRS, babawiin
pa ng ESF! Malay ko bang may powers siyang i-purge ang enlisted class ko kapag
di ko siya pinansin. Kaya ayun, bagsak sa usual underloading. Hindi sa tamad
akong pumila sa prerog ha. Uhm, kasi…ayun nga, quality education takes time.
Saka para focused talaga ako. Oo, promise! Focused ako!
Nadidivide nga lang ng orgs. :D
Willingly divided ang attention ko. Ang saya kasi, lalo na nung magkakasama pa
kami ng batchmates ko sa major org namin. Parang kalevel ng pot session ng mga
adik, ng deklarasyon na walang klase (na isa sa mga dahilan kung bakit nadelay
ako, nawawala ang flow of thought ko sa isang class), kalevel ng isang
religious group sa Quirino Grandstand na nagbabaligtad ng payong para saluhin
ang grasya – sobrang saya.
Sige, minsan choice ko na rin ang
magpadelay. Pero minsan lang! As in once lang! Gusto ko kasi gawin lahat ng
sinasabi nilang “UP qualifier tasks”. Yung tipong kapag di mo pa nagagawa, di
ka talaga taga-UP. So nagtry ako ng isaw sa tapat ng IC. Akala ko ok na, hindi
pa rin daw sabi nung higher batch sa akin. Dapat daw Mang Larry’s. Eh malay ko
bang parang pila ng kare-kare tuwing linggo ang tinitindang bituka ni Mang
Larry. Tapos gabi ka na makakakain. Sana inulam mo na lang. Nandiyan yung
Lantern Parade, UP Fair, manood ng Cheerdance Competition, manood ng Oblation
run, magparticipate sa Oblation run, kumain sa treehouse (na puno na lang
ngayon), magjogging sa acad oval para makapagpapicture kay Piolo Pascual,
magwalk out sa class, magrally, magpanggap na nagrarally para sa incentives,
magcut ng class, magpapirma sa kaklase sa attendance para di mapansin na
nagcut, at maraming marami pang iba. Yung ibang “you-missed-half-of-your-life”
experiences na sinasabi nila para maging legit UP student ka ay hindi ko na
nagawa. Masyadong marami. Kulang ang MRR ko. At marami na akong utang na lives
kay kamatayan dahil diyan sa mga yan.
Marami naman akong matatawag na UP memorable experiences. Yung mga memories na may tatak UP. Pero parang may kulang talaga. Siguro yung fact na magmamartsa ako sa harap ni Oble na hindi batchmates ko ang kasabay ko. Pero, at least, natapos ko na rin. Di nga lang on time, di nga lang March, pero mas fresh ako kaysa sa mga kasabay kong magmamartsa na parang in-overnight ang thesis makapagmartsa lang kinabukasan sa graduation. May time magpahinga. :D At sa wakas, kahit anong sabihin nila, may tatak UP ako!
No comments:
Post a Comment